Nang pitong araw na hindi nag-smile ang araw

Nakalulunos ang pinsalang idinulot nina Ondoy, Pepeng, at ang pampagulong si Quedan. Ilang buhay ang nasawi, mga bahay na nagiba, ari-ariang tinangay ng agos, at mga kinabukasang nawala na parang bula.

 

Gayunpaman, ang trahedyang ito ay patunay na naman ng pagkamasiyahin ng Pinoy, ng ating kakayanang bumangon mula sa anumang pagkakalugmok, ng ating magaan na disposisyon sa buhay. Napangingiti na lamang ako kapag nakikita ko ang mga biktima ng mga pagbaha na panay pa ang pagkaway at pakyut sa likod ng mga reporter sa telebisyon.

 

Marami akong mga kaibigan sa NCR na labis na naapektuhan ni Ondoy. Habang naglilinis sa kung anuman ang natira sa kanilang mga putikang bahay ay panay pa ang hagikhikan. Itong si Dennis, ang kaibigan kong nasa Amerika, bagama’t nalulungkot at sinira ni Ondoy ang kanilang bahay, kagamitan, at pati na rin ang bahagi ng kanilang kabuhayan sa Cainta, ay labis ang pagpapasalamat at wala namang nasawi sa kanyang mga mahal sa buhay. Natatawa siya nang ikuwento sa akin na ayaw pa sanang umalis ng kanyang tatay sa kanilang tahanan bagama’t napakataas na ng baha, subali’t napilitan din itong lumikas nang lumulutang na ang hinihigan niyang kama.

 

Napag-uusapan na rin lang ang paglutang, nakuha pang mag-cheer ng mga taumbayan na nakasaksi sa pagkaanod ng mga kabaong sa rumaragasang baha sa Zambales. Animo’y parang nanonood lang sila ng karera ng mga bangka. Ang buhay nga naman, pati ang ang mga patay, naistorbo ang pamamahinga. Ang mga bangkay daw, Rest in Fish, pinangangambahang nilantakan ng mga isda.

  Continue reading